Wednesday, November 17, 2010

Rehistradong Batang Nars ng Pilipinas


 by: KatipuNurse Kidlat

Ang pagiging NURSE ang isa sa mga sinasabing malinis at marangal na propesyon sa Pilipinas. Kinikilala ito na animoy prestihiyosong trabaho. Summer noon pagkatapos ko mag-grade 6, nang ako’y magpatuli at isang babae at lalaking nurse ang nag-assist sa akin. Sa pagkamangha ko sa kanilang trabaho, mula noon sinabi ko na sa sarili ko na balang araw, makapagsusuot din ako ng kagaya ng mga suot nilang uniform.

Taon 2007, nakamit ko ang degree na Bachelor of Science in Nursing sa isang eskwelahan dito sa Maynila. June 10 at 11, 2007 ng ako’y kumuha ng board exam at nag-antay ng halos 3 buwan bago lumabas ang resulta. Ika nga, “it was worth the wait” dahil naging positibo naman ang naging resulta. Pumasa ako. Hinanda ko ang aking sarili para sa bagong mundo na aking kakaharapin, ang paghahanap ng trabaho. Trabaho na may kinalaman sa kursong aking pinag-aralan ng 4 na taon. Kursong pinagpuyatan, pinagpaguran, at iginapang ng aking mga magulang na halos malubog kami sa utang at maisanla na yun mga ari-arian namin para maitawid lang ako sa kursong NURSING. Mula sa tuition fee, transportation, iba’t-ibang uniforms, contributions sa community, capping/pinning, stripping, graduation, pag-aaply sa PRC, review center, panunumpa ng propesyon at marami pang iba. Lahat ng iyon ay tinugonan ng aking mga magulang dahil nga magiging NURSE ang anak nila. Ngayon masasabi kong isa na nga akong ganap na Nurse. Registradong Nars sa Pilipinas. May lisensya, at sapat na kaalaman. Mula taong 2007 hanggang ngayon sa mga panahong ito November 2010,  tatlong (3)  taon na ang nakalilipas. Tanungin nyo ako, may trabaho na ba ako? Sagot, WALA!  Ngunit mahal ko ang pagiging isang Nars kaya hindi pa rin ako sumusuko.



Kapwa ko mga Kabataang Nars, isa ka ba sa kagaya ko na nakararanas ng ganito?
  1. Malapit na mag-expire ang Lisensya mo bilang Nars, pero hindi mo pa rin ganap na napapraktis ang iyong propesyon?
  2. Ang IVT license mo rin ba ay nagbabadya na rin mag-expire. Gagastos ka na naman ba ng panibago para sa pagppa-renew?
  3. BLS at ACLS, nalalapit na rin ba ang pagwawakas ng kanilang mga bisa? Kukuha pa ba ulit tayo ng panibago?
  4. Hindi mo na rin ba mabilang ang mga set ng resume na pina-print mo at ipinadala sa halos lahat na yata ng malaki man o maliit na ospital dito sa metro manila? Tapos parang iisa lang naman yun sinasabi nila. “Tatawagan nalang namin kayo. Iwan nyo nalang resume nyo dito”.
  5. Narating mo na rin ba ang halos lahat ng Job Fair di umano para sa mga Nars ngunit wala naman nangyari?
  6. Gasgas ka na rin ba sa sangkatutak na mga seminar na kahit alam mo na naman na kung anu yun topic ay magbabayad ka pa rin kasi ang habol mo ay yun certificate?
  7. Nagbayad ka na rin ba ng hindi birong halaga para sa di umano ay Training? Professional Training Program? Pre-employment Training? Nursing Training Course? At kung anu-ano pa masabi lang na training.
  8. At higit sa lahat, naglaan ka na rin ba hindi birong panahon, linggo, buwan o ang mas malala pa taon para sa sinasabi nilang VOLUTEER NURSE? Na kapag may available na daw na item ikaw daw ang 1st priority?

Napakasakit kung iisipin. Minsan pinagdududahan na ako ng mga magulang ko kung nag-aaply nga daw ba ako. Kung nagsisikap nga daw ba ako na makapagtrabaho. Na tuwing lalabas ako ng bahay na nakauniporme ay baka puro lng daw ako lakwatsa.

Mapalad ang mga Nars noon na ngayon ay matatanda na sa kanilang mga posisyon. Mga Nars na hindi dumanas ng kagaya ng mga nararanasan naming mga kabataang Nars. Mga matatandang Nars dito sa Pilipinas na nakakapag-isip ng iba’t-ibang programa para pagkakitaan ang kapwa nila mga Nars. Ang mga kabataang Nars na umaasa na may biyayang nag-aantay dahil sa mga ganitong programa. Mga matatandang nars na nananamantala sa kahinanaan ng mga bagong Nars. Na kung pagdutyhin ay higit pa sa itinakdang bilang ng oras. Mga gawaing dapat ay ginagawa ng mga mismong Nars na binabayaran ng institusyon ngunit iniaasa sa mga volunteer nars. Mga Nars sa mga ospital na hindi marurunong trumato ng kapwa nila mga propesyunal na mga nars.

Mga kapwa ko kabataang Nars dito sa Pilipinas. Hanggang kelan natin hahayaan ang ganitong sistema ng ating propesyon? Hanggang kelan tayo magtitiis sa ganitong pang-aabuso sa atin? Ilang araw nalang din, taon 2011 na. Kelan natin ipaparating sa kanila ang ating mga hinaing? Hindi biro ang mga pinag-aralan at ginastos natin para mapunta lang sa wala ang lahat ng iyon. Kung hindi tayo magsasalita at gagawa ng tamang hakbang para supilin ang mga ganitong maling mali na kalakaran sa nursing, ang kinakatakot ko ay baka maging kultura nalang ito. Kultura na maisasalin sa mga sususnod na henerasyon. Hahayaan ba natin na ating magiging anak na gusto rin maging Nars ay makararanas din ng ganito?

Alam ko mahirap, pero kung magsasama-sama tayong lahat walang imposible. Kung magkakaisa tayo, magagawa natin ito. Kailangan may pagbabago. Alam ko laos na sa inyo itong katagang ito na minsan pa’y sinabi ni Dr. Jose Rizal “ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan”. Ngunit ang mga katagang ito ay siyang pinaghuhugutan ko ng lakas dahil naniniwala ako na may magagawa tayong mga Kabataang Nars sa Pilipinas para sa pagbabago. Pagbabago na magmamarka ng kasaysayan sa larangan ng Nursing Profession sa Pilipinas. 

 Hinihimok ko ang lahat ng mga Kabataang Nars na ibahagi nyo dito sa KatipuNURSE ang inyong karanasan. Lumikha tayo ng ingay para sa pagbabago. Magkaisa tayo at magsama-sama. Kakayanin natin ‘to. Magkita-kita rin tayo sa bandang huli at sabay-sabay ipagbubunyi ng mga puso natin kapag ito’y ating napagtagumpayan. Mabuhay ang mga Kabataang Nars dito sa Pilipinas!!!

2 comments:

  1. Tama ka Kidlat..Lahat halos ng mga kabataang nurse dito sa Pilipinas ang pare-parehu ng nararamdaman at nararanasan. Pang-aabuso ang kapalit ng ating serbisyo sa mga ospital na yan! Di makatarungang pagtrato sa ating mga nurse. Propesyunal nga tayo pero wala man lang tayong sweldo ni PISO! Ang akala nila hindi tayo KUMAKAIN!

    Wag nating hayaang magpatuloy ang ganitong pananamantala nitong mga ospital na ito! Kumilos tayo mga nurse! Magsama-sama! Humingi tayo ng pagbabago!!! Ipaglaban nating ang ating mga karapatang pantao.

    ReplyDelete
  2. ng ating gobyerno ay kailangan nang pumagitna sa isyung ito. Ito lamang ay isang reflection ng kalala ng unemployment status ng ating bansa. Ang karamihan sa mga hospital ng ating bansa ay nagpapatrabaho ng mga professional nurses without pay at ang worst pa ay mga nurses pa ang nagbabayad para makapag experience. This a form of exploitation kasi sa dami ng supply. I hope our government should address this issue and give focus especially sa health sector na sa kasalukuyan ay di pa binibigyan ng attention.

    ReplyDelete