About Us



Ang KatipuNurse 
Liga ng Makabagong Dalubhasang Tagapangalaga

Ang KatipuNurse (KN) ay isang malayang kilusang panlipunan na naglalayon na himukin ang bawat nars or dalubhasang tagapangalaga na maging masusing tagapagbantay ng mga makabuluhan napapanahong mga pangyayari at mga isyung kinakaharap ng mga kapwa nars sa Pilipinas. 

Inilunsad ang KN (Nobyembre 2010) upang magkaroon ng malayang pagdidiskusyon ang mga nars sa mga isyung sumasaklaw sa buhay propesyunal katulad na lang ng kawalang trabaho, pagsasabatas ng tamang panuntunan sa sweldo ng isang nars, proteksyong legal, at paglalawig ng adbokasiya upang mabigyan ng karampatan at agarang pansin ang mga hinaing at pangangailangan ng mga tagapangalaga ng kalusugan ng sambayan. 

Minimithi ng KatipuNurse na: 
(1) Himukin at gisingin ang nahihimbing na diwa ng mahigit sa 600,000 rehistrado at propesyunal na mga nars na maki-alam sa kanilang kapwa nars at tumindig sa kanilang mga karapatan;
(2) Kagyat na matulungan at madinig ang mga tinig ng mahigit kumulang 200,000 na mga nars na nagdudusa dahil sa kawalang trabaho o oportunidad na akma sa kanilang propesyon;
(3) Maging simbolo ng nagkakaisang diwa at boses ng mga nars na nagnanais na muling ibalik ang pagiging isang dalubhasang tagapangalaga sa tamang antas ng lipunan - may dangal, may paninindigan, independiente, nirerespeto, namumuhay ng marangal.

Upang maisakatuparan ang mga mithiin ng KN:
(1) Maging daluyan ito ng malayang pagpapahayag nga mga nars ng kanilang mga saluobin at kuro-kuro sa mga bagay at usapin ng mga nars at ng kalusugang pansambayanan sa pamamagitan ng:
A. Malayang pakikipagtalakayan at tamang pagpapalitan ng mga kuro-kuro sa makabagong pamamaraan ng pakikipag-ugnayan gamit ang internet (hal. Facebook, Blogger, Twitter etc.); at
B. Magkaroon ng sariling website na kung saan maaring mailathala ang mga piling artikulo, talambuhay, at istorya. 
(2) Maglunsad ng mga malikhain at makabagong programa ubang bigyang ingay at tamang atensyon ang mga nars at ang kanilang suliranin gaya ng:
A. Dulaan
B. Konsyerto
C. Maikling Pelikula
D. Iba pang malikhaing pagtatanghal
(3) Maglikom ng sapat na pondo upang makatulong sa mga adhikain ng KN at makatulong sa mga nars na walang trabaho at sa mga adbokasiya nito.

Sa pangunguna nina KN IsangDiwa at ibang pang mga KNs sa buong bansa, ang KatipuNurse ay ang makabagong boses ng mga ordinaryong nars sa bansa. 

Tayo na't magbangon tungo sa hustisya ng bawat nars; 

Tayo na't magsikilos para sa agarang lunas sa mga usaping pankalusugan at pampropesyunal; at

Tayo na't maki-alam, maki-isa at makisama sa pagbabalik ng dangal sa mga dalubhasang tagapangalaga ng sambayanang Pilipino at sa buong mundo.


"Ngayon na ang panahon na ang bawat nars sa bansa ay manindigan para sa kanyang karapatan. Ang pangangalaga ng bayan at sankatauhan at nakasalalay sa pangangalaga ng iyong sarili - ng iyong mga karapatan." ~ KN IsangDiwa