by: KatipuNurse Kidlat
Ang pagiging NURSE ang isa sa mga sinasabing malinis at marangal na propesyon sa Pilipinas. Kinikilala ito na animoy prestihiyosong trabaho. Summer noon pagkatapos ko mag-grade 6, nang ako’y magpatuli at isang babae at lalaking nurse ang nag-assist sa akin. Sa pagkamangha ko sa kanilang trabaho, mula noon sinabi ko na sa sarili ko na balang araw, makapagsusuot din ako ng kagaya ng mga suot nilang uniform.
Taon 2007, nakamit ko ang degree na Bachelor of Science in Nursing sa isang eskwelahan dito sa Maynila. June 10 at 11, 2007 ng ako’y kumuha ng board exam at nag-antay ng halos 3 buwan bago lumabas ang resulta. Ika nga, “it was worth the wait” dahil naging positibo naman ang naging resulta. Pumasa ako. Hinanda ko ang aking sarili para sa bagong mundo na aking kakaharapin, ang paghahanap ng trabaho. Trabaho na may kinalaman sa kursong aking pinag-aralan ng 4 na taon. Kursong pinagpuyatan, pinagpaguran, at iginapang ng aking mga magulang na halos malubog kami sa utang at maisanla na yun mga ari-arian namin para maitawid lang ako sa kursong NURSING. Mula sa tuition fee, transportation, iba’t-ibang uniforms, contributions sa community, capping/pinning, stripping, graduation, pag-aaply sa PRC, review center, panunumpa ng propesyon at marami pang iba. Lahat ng iyon ay tinugonan ng aking mga magulang dahil nga magiging NURSE ang anak nila. Ngayon masasabi kong isa na nga akong ganap na Nurse. Registradong Nars sa Pilipinas. May lisensya, at sapat na kaalaman. Mula taong 2007 hanggang ngayon sa mga panahong ito November 2010, tatlong (3) taon na ang nakalilipas. Tanungin nyo ako, may trabaho na ba ako? Sagot, WALA! Ngunit mahal ko ang pagiging isang Nars kaya hindi pa rin ako sumusuko.